April 22, 2012

Dangal at Kagalingan



Sa katahimikan ng gabi, ako ay nabulahaw ng banayad na sigaw ng pagtangis ng karunungang nag-uumalpas at nais kumawala. Matagal na nasikil, naisantabi at ngayo'y tila nais magrebelde sa katawang nagbilanggo sa kanya. Nais niyang maging malaya, masilayan ang bughaw na kalangitan ng katipunan ng mga iskolar at mamayagpag sa larangan ng sining at siyensiya. Unti-unting lumuluwag ang mga tanikalang gumapos sa kanyang kamalayan, mga tanikalang mag-iiwan ng bakas ng miminsang pagkaduwag na ipaglaban ang kanyang karapatan.


Nararamdaman ko ang paglukob ng kakaibang kasiyahan, tila ba nagbabadya na ang tamis ng tagumpay. Wala ng ang mga tanikala at ang naroroon na lamang ay katapangang hindi niya kelanman naramdaman. Wala na ang pag-aatubili na ngayon ay tuluyan ng napalitan ng pagkauhaw na maitama ang mga pagkakamali at magpamalas ng walang takot na kagalingan.


Guminhawa ang kanyang pakiramdam sa panunumbalik ng dangal at kagalingang matagal na nasiil sa kanyang kaloob-looban. Dangal at kagalingan...dangal at kagalingan...dangal...at kagalingan.

1 comment:

  1. Ayos na sana maliban sa salitang "kelanman". It amused me na mabasa 'yon sa tila isang seryosong akda na may mga mga malalalim na salitang nagpapahayag sa paraang gusto niyang arukin ng mga mambabasa ang nais niyang ipahiwatig. Ingat lang sa wordings. Ngehehe.

    ReplyDelete