April 18, 2012

You and Me: A Cliche Called Daydreaming




Nakatanga na naman ako sa screen ng laptop. Hindi ko maiwasang isipin ka at ang kung anumang nagkaron tayo. Sabi ko sa'yo dati, lagi kong pagbibigyan ang sarili ko tuwing nangungulila ako sa iyo kasi nga, ayokong ma-miss kita ng sobra-sobra. Sabi nga sa isang quote na kinolekta ko nung nasa hayskul pa ako, hindi dapat na sinisikil ang pagmamahal...habang pinipigilan kasi lalong ka niyang aalipinin.

Yang kowt na yan na ang naging batayan ko pagdating sa ganitong mga bagay. Hanggang maari kasi, ayokong umasa...ayokong bigyan ka ng kapangyarihang manipulahin mo ang pag-iisip at kilos ko. Hanggang sa nagising na lang ako isang araw, gusto na kitang laging kausap. Parang hindi na kumpleto ang araw ko pag hindi ako nakakapagpapansin sa iyo. Minsan nga, paulit-ulit na naglalaro sa balintataw ko ang mga napag-usapan natin. Isinasadulang muli ng isipan ko yung mga oras na nagkasama tayo, hinawakan mo yung kamay ko, kumain tayo sa Tropical Hut", paano nagsimula ang lahat ng kagagahang ito....

Amimin ko man o hindi, naging mahalaga ka na sa akin. Gusto ko man o hindi, nabigyan na kita ng kapangyarihan...kapangyarihang hindi mo alam na meron ka (o mas gusto kong isiping hindi mo nga talaga alam).

Hindi ko alam kung anong nangyari pero hindi mo na ako kinakausap. Padala ako ng padala ng mensahe sa cellphone mo pero di ka naman sumasagot. Mukha na akong tanga. Nami-miss na kita ng sobra.

Nagsasawa na ako, nakakapagod din pala maging tanga. Masakit din pala yung mag-assume na importante ka din sa buhay ng isang tao. Hindi pala sa lahat ng pagkakataon, mapagkakatiwalaan ang kutob ng mga babae. Minsan pala dala lang yun ng imahinasyon, ng pagpapaniwala sa sariling may isang taong naglaan ng ilang segundo sa buhay niya kasi...importante ka. Kadalasan pala, wala lang silang magawa, naghanap lang sila ng libangan at nagkataong bakante ka.

Ang pait ng ngiti ko ngayon. Madaling sabihing makakawala din ako sa imburnal na ito pero sa totoo lang, mahirap. Mahirap lalo na kung may malaking bahagi ng pagkataong ayaw pang umahon sa katangahang ito. Hindi ko kailangang magmadali. Sa ngayon, ipagkakaloob ko ang luho ng pagtangis para sa kabanatang ito ng buhay ko.













No comments:

Post a Comment